Sunday, June 1, 2008
fence sitter
FENCE SITTER
lumulusot sa aking katawan at likod
ang iyong pagsilip, habang nakakapit sa bakod
emosyon mo'y hindi ko matiyak ni malugod
sa pagunawa ako na rin ay napapagod
kung nais mong humakbang papasok
gawin na ngayong ako'y nababalot ng usok
pagkalilis ng mga nakalilitong ulap na ito
pangarap kong magagap ang tanging palad mo
manunuod ka na lang ba bunso
sa ginagawa ng ate mo
ang lahat ng akin ay inyo
kasali ka sa may parte dito
huwag mong hayaang yaman ko'y sa kanila lang
ang hati mo'y dapat na kapantay at di kulang
tagapagmana ka nitong aking kayamanan
angkinin mo ang iyong tungkulin sa angkan
huwag kang nanunuod lang sa bakod
nakaabang sa magaganap, nakatanghod
hindi tadhana ang uukit ng kapalaran mo
ikaw ang magdidikta ng tadhana mo
nais mo bang patuloy na maging api?
ang maging alila ng sariling lipi?
baklasin mo na ang bakod na nakapagitan
at wasakin mo ang mga pananaw na sa iyo ay nagkahon
nasa Diyos ang awa subalit nasa iyo ang gawa
ikaw ang magdedesisyon ng iyong gantimpala
tapos na ang panahong personal Siyang bumababa
ngayo'y nais Niyang hindi solohin ang pakikibaka
tindig na at tama na sa pagkukuyakoy, bunso
kalayaan ng lahi'y ikaw ang instrumento
huwag pagagapi sa mga mapanlinlang na kwento
nasa mga kamao mo ang makabubulid sa mga tuso
bukas sisipatin kong muli ang mukha mo
sana hindi na ito nakasilip sa bakod na ito
bagkus nakatindig at may nakataas na kamao
na papasugod upang palayain ako!
walang koneksyon sa:
bayan,
fence sitter,
katha,
pilipino,
tula
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
galing mo talaga kafatid.
Post a Comment