dahil sa sinabi ni _______, mejo nahighblood ako at nangati kung anong bagong balita sa JPEPA, kinabahan na hindi maintindihan... punyeta naratipika na kaya? naipasa na kaya?
shet shet shet. pero ang dami kong gagawin pa kaya hindi ako nakahawak ng dyaryo hanggang sa dumating na ang hapon. pero nakita ko pa lamang ang headline title sobrang nalerke na talaga ako...
ano ba ang JPEPA?
ang JPEPA o Japan - Philippines Economic Partnership Agreement, ay ang kasunduan ng Japan at Pilipinas na naglalayon sana ng pagtutulungan ng dalawang bansa na makakatulong o makakapagbigay ng benepisyong pangekonomiya sa nagkasundong mga bansa. pero ang JPEPA ay isang kasunduan hindi natin dapat payagan.
una binastos nito ang kahalagahan ng proseso. minadali ang tratado at ang masama itinago sa publiko at hindi pinadaan sa konsultasyon sa mga maapektuhang sektor, sa kung anong dahilan, bakit ganun ang ginawa nila, hindi pa natin matukoy. well, naiisip ko na baka binayaran kaya sila para ito ipasa?
pangalawa, ang tratadong ito ay punong-puno ng butas, punong-puno ng mga magagaspang na probisyong makakaapekto ng malaki sa pagkabagsak pa lalo ng ating ekonomiya at patuloy na paghihirap ng ating mamamayan. ayokong maglagay ng malisya pero nakakapagtaka sinong matalinong tao ang papayag, sasangayon at magsusulong ng isang tratadong luging lugi ang kanyang sariling lahi? anong pang-blackmail meron ang mga Hapones, kung bakit nagagawa ng mga dalubhasang mga ekonomistang nakapagtapos naman sana sa mga primadong unibersidad ng bansa, (ateneo, up, lasalle), at mga unibersidad pa man ding nagsusulong ng mabuting asal at pagsunod sa yapak ng Kristong nagalay ng buhay, sa kaligtasan ng nakararami... ano at ang halimbawang ito'y winalang silbi nila, at iniwan ang kabutihang asal at pagiging makatao man lamang (kung meron sila) sa apat na sulok ng paaralan lamang?
ang mga butas ng nasabing tratado ay makakaapekto at makakaagrabyado hindi lamang sa usaping pang-environment, dahil niyakap ng Pilipinas sa pamamagitan ng JPEPA na maging tapunan tayo ng toxic waste ng bansang Hapon. hindi nga natin alam paano natin itatapon ang ating sariling basura, tumanggap pa tayo ng basura ng iba, at tignan basura itong nakamamatay ng mas mabilis kaysa sa ordinaryong basura---toxic waste! teka kulang pala sa saktong teksto ng JPEPA i will quote unquote "toxic, hazardous, and nuclear wastes"
dagdag na apektado at agrabyado din ang ating agrikultura, pangisdaan, at mga industriya, mahigit sa 200 produkto ng Hapon (651 tariff lines) ang mawawalan ng taripa at libreng makakapasok ng bansa, samantalang dadalawang produkto lamang ang ating prinotektahan na hindi singilin ng taripa (6 tariff lines) (bigas at asin).
pinapayagan din ng Pilipinas sa pamamagitan ng JPEPA na magkaruon ng pribadong pagaari sa lupa ang mga Hapones sa lahat ng sektor (maliban lamang sa manufacturing at services). kung nanaisin ng mamumuhunang Hapones na magkaruon ng real estate o agri business aba pwedeng pwede na silang magari ngayon, paano na ang mga magsasaka nating ilang dekada nang nangangarap na makabungkal ng lupang kanila?
hahayaan din ng Pilipinas sa pamamagitan ng JPEPA ang mga korporasyong may 40% na pagaari ng mga Hapon na mangisda sa ating karagatan, nasaan na ang probisyon sa konstitusyon na ang paggamit ng ating yamang dagat ay nakareserba lamang sa mga Pilipino?
ipinagmamalaki din nilang magbubukas ito ng oportunidad sa ating mga nurses para makapagtrabaho sa bansang Hapon, pero ito'y kabalintunaan, kalokohan, pagpapanggap, at kasinungalingan. babayaran ang ating mga nurses ng $400 habang nakatira sila sa isang bansa na ang cost of living ay $1000. ang kontrata ay tatagal lamang ng isang taon at kailangan nilang magtrabaho at magaral ng Nihonngo ng sabay sa loob ng isang taong ito. pagkatapos ng isang taon, kailangan nilang ipasa ang Board Exam ng mga Hapones at ang Language Proficiency Exam ng mga ito. maliban dito dapat bago siya matanggap mayruon muna siyang 3 taong karanasan, at pasado ng Philippine Nursing Board Exam. bakit ang mga nurse ng Indonesia 2 taong karanasan lang at 3 taong nursing course at walang board exam ay tinatanggap na ng bansang Hapon.
ito ba kapalit ng mga butas at halatadong nananamantalang mga probisyon?
sa mga nabanggit ko hindi ko pa nga iyan inisa isa dahil hahaba ang blog na ito, at malamang hindi mo na basahin, kaya itanong mo na lang sa komento.
hindi din natin alam ang side deals pa sa JPEPA dahil ng hingiin ang buong dokumentasyon ng negosasyon at paguusap, tinawag na namang muli ng ating mapagmahal na ina ang kanyang agimat: "executive privilege".
executive privilege, na sinangayunan ng pinakamataas na korte ng bansa.
(iling-hikbi-iling-iling-hikbi)
wala naman daw tinatago ang JPEPA,
pero bakit tinawag si EP?
"kung hindi naintindihan ng ilang kasamahan ko ang ilang probisyon eh problema nila yun" - sabi ng ating butihing senador enrile.
ginoong kagalang galang na senador. ikaw ata ang hindi nakakaunawa.
IBINEBENTA NA ANG KALULUWA NG PILIPINAS, ginahasa na nga at lahat lahat, ultimo kaluluwa isinasangla pa.
pag naipasa ang JPEPA. ito pa, maiinggit ang ibang bansa. aba aba Pilipina, siya lang ba ang pwedeng magpakasasa sa iyo, kung pinayagan mo siya, payagan mo din kami, kung di ka papayag, pwede naming daanin sa dahas, kaya sige na Pilipina, ibuyangyang mo na ang yaman mong pinaglalawayan naming banyaga.
sige lang JUAN, matulog ka lang at hayaan mo lang silang ibenta pati ang pagaari ng iyong kaapu-apuhan. sige lang JUAN, hindi ka pa rin ba magdedesisyon?
No comments:
Post a Comment