Saturday, September 13, 2008

hikbing sakbibi kay pilipina...


HIKBING SAKBIBI KAY PILIPINA

nanigas na ako at hindi matinag sa aking kinatatayuan

napako ang tingin ko sa iyong kalunos-lunos na kalagayan
tahimik... tahimik... pero damang dama ko ang iyong hikbi
ninais kitang lapitan at patahanin pero ako ay napipi

hindi na pansin sa iyong suot na saya
ang dating tingkad ng asul at pula
hindi na mababakas sa iyong blusa
ang kinang ng dilaw na araw at tala

wala na, wala na... nangungutim na ang lahat
wasak, punit... sira... at wala na ang dating gara
ah... kalunos lunos nga ang iyong abang kinasapitan
palad mo ay sa busabos at walang katapusang kapaitan

pinagagawan ang pagaari sa iyo ng mga sultan at hari
iniibig ka nila... pero pag-ibig na walang pagkandili
tatlong daang taong mahigit ikaw ay kanyang inangkin
gamit batong-krus, nauto ka nilang maging matiisin

matagal bago ikaw ay matauhan at magising
kung hindi pa isa sa anak mo ay mabaril
kaya ang isa naman ay naglakas na magtaas nitong kamao
upang ihatid nawa sa iyo ang tunay na kalayaan mo!

subalit anong pait nitong naiukit na kapalarang
mismong kapatid niya rin ang sa kanya'y papaslang
pinagpasapasahan ka ng mga hayok... pinagpasasaang ganap...
may sakang... may puti... pero ang masakit ay iyon pang kauri!

nakalbo ang malago at makulot mong mga kagubatan
nasaid ang katas at bunga ng iyong lupa at sakahan
inagaw pati ang dalisay mong mga pampang at karagatan
isinantabi ang mahihina at mahihirap mong kawan

narinig ko muli ang naiipit ipit mong mga hikbi
nais kong kumilos... nais kitang kandungin kahit sandali...
kalunos-lunos sa aking pandinig ang naririnig na panaghoy
saka ikinagulat kong mga luha ko'y di na napigilang dumaloy...

globalisasyon, liberalisasyon, privatization
lahat na ng kamaganak ng Tiyuhin mong mahilig kay Sion.
hindi pa ba... hindi pa ba ang lahat at sasapat?
ilang milyon pa ba ang gugutumin para ito ay maging marapat?

anong magagawa ko sa iyo?
ang sabayan ka sa iyong pagtangis?
sapat na ba ang pakainin ko ang ilan sa iyong anak?
sapat na bang kalingain ko at maging boses nila?

anong maiaalay ko para tuluyan ka ng tumahan?
nanglilimahid ka na halika't ikaw ay paliliguan
paliliguan ng mga dugo ng mga sa iyo ay umalipusta
pababanguhan ng mga inialay na buhay ng bayaning nakibaka

habang inihahanda ang bagong saya at blusa
na inihahabi ng aming kolektibong pagkakaisa
ah... kailan kaya pangarap ko ay makikita?
yun bang maringal kang muli na parang isang reyna

may kapayapaan sa buong bayan mong paghaharian
kasaganaan sa kanayunan, sa bukid, gubat at karagatan
pagkakapantay-pantay ng lahat at hustisyang sosyal
matamis ang kamatayan kong ito ay makikita makikintal!

pero paanong ang lahat ng ito ay mapangyayari
kung hindi ako patitinag sa aking kinatatayuan
kung mapapako lang ang tingin ko sa iyong kasawian
kung iiyak lang ako... at dadamay man... ngunit sa iilan?

kilos na.
KILOS NA..
NGAYON NA...
TAYO NA!

No comments: